Umulan kasi.
Saturday, May 15, 2010

*Buntong hininga*
Malungkot ako, kaya inaliw ko muna ang sarili ko. Wala. Tumambay lang ako sa mall. Nanuod ng mga tao, nagbasa ng libro, naglaro sa Timezone, window shopping, at kumain saglit. Ginabi na ako ng uwi. Uulan yata. Maka-pila na nga sa sakayan.
Tinanong ako ng driver, “Ne, saan ang baba mo?”
“Sa may Dona Carmen po.”, sabi ko.
“Nagmamadali ka ba? Baka kasi mahuli ako.” ani ng driver.
“Paulan na ho kasi, yung flat rate na lang po ng SM ang babayaran ko.”
Lumarga na ang FX. Pagdating sa bandang Philcoa, bumuhos na ang ulan. Galit yata ang langit. Kumulog. Kumidlat. Nalungkot na naman ako. Ay, masaya pala. Okay, hindi ko alam. Pag mga panahon na ganito, hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko. Magkahalong lungkot, galit, panghihinayang, at saya ang nararamdaman ko.
Lungkot, kasi hindi kita kasama ngayon. Galit, dahil naalala ko lahat ng mga pang-gagago mo. Panghihinayang, kasi sayang ako: torete pa rin ako sa’yo, wala ka namang pakialam. Masaya, dahil wala akong ala-ala na kasama kita habang umuulan.
Shit. Bababa na pala ako. Malakas pa rin ang buhos ng ulan.
“Manong sa tabi lang po… Para.”
Naulanan na ako. Basang-basa kaagad ang buhok ko. Sumilong ako sa ilalim ng puno. Hindi naman ako masyadong mababasa doon. Naghintay ako na humina ang ulan. Alas-nuwebe na pala ng gabi. Naghihintay pa rin ako. Hindi rin naman ako makakatawid e.
Tahimik ako. Dinig ko lang ang pito ng security guard, ang tambutso ng mga sasakyan, at ang malakas na buhos ng ulan.
Tahimik lang ako. Nanunuod. Pinapanuod ang bawat patak ng tubig na nahuhulog galing sa langit. Medyo humina na, pero naghintay pa rin ako na mas humina pa.
Ambon na lang. Dapat ko nang igalaw ang mga paa ko at tumawid. Pero napaisip ako. Ang pag-ibig mo pala sa akin ay parang ulan na ito —- malakas na malakas sa umpisa, sabay humina ng humina, hanggang sa nawala na, at walang kasiguraduhan kung kailan babalik muli, o kung babalik pa nga ba.
Lumakad na ako para tumawid. Sumakay na lang ng tricycle dahil giniginaw na ako. Habang pauwi ako, napagtanto ko rin: Kahit parang ulan nga yung pag-ibig mo sa’kin, mabasa man ako at ginawin, uuwi naman ako sa bahay, maliligo, magpapatuyo, at iinom ng mainit na tsokolate. Kumbaga, magiging okay din ako. Magiging masaya ulit ako, at sa susunod, hindi na ako mag-iisip masyado kapag umulan.

0 Comments:

Post a Comment

Bloglovin'

Follow my blog with Bloglovin


Friends.





WHO?

Tumblr?


My name is Azalie and I don't like to describe myself.


Interact.



RECENT POSTS.


Umulan kasi.